Humarap sa mga miyembro ng press sina Secretary Dinky Soliman at World Food Programme Deputy Country Director Asaka Nyangara |
Maraming salamat sa pagdalo ninyong lahat. Dalawang bagay ang nilalayon kong magawa sa umagang ito – una, ang magbigay ng ulat tungkol sa nahuling ibinentang DSWD relief goods sa isang kainan sa Tacloban City; at pangalawa, ang ulitin at mas bigyang-diin ang tugon ng aming opisina ukol sa isyu ng hindi malinis na relief warehouse na ‘di umano’y pagmamay-ari ng DSWD.
Gaya ng lumabas sa balita, noong ika-3 ng Abril, ang aming Regional Director para sa Silangang Visayas na si Nestor Ramos ay nagpunta sa karinderya ni Gng. Marchita Ygrubay, 52 anyos, upang maghapunan. Ikinagulat ng aming Regional Director ang nakita n’yang mga sako ng relief goods na may tatak-DSWD sa kainan.
Kinabukasan din, nagtungo ang ilan pang tauhan ng aming kagawaran upang kumpiskahin ang mga naturang relief items. Pinaninindigan ni Gng. Ygrubay na hindi n’ya alam na bawal ang pagbebenta ng mga relief supplies at na ginawa lamang n’ya ito upang tulungan ang mga nagbenta sa kanya, na nagsasabing mga biktima ng Bagyong Yolanda.
Para sa kabatiran ng lahat, ang bawat family food pack na ipinamimigay ng DSWD ay may nakatatak na “DSWD Relief Supplies, Not for Sale.” Ang hindi pagsunod dito ay itinuturing na paglabag sa Anti-Fencing Law (at National Disaster Risk Reduction and Management Law) na nagtatakda ng parusang hanggang 12 taong pagkakakulong depende sa halaga ng mga goods sa sinumang mapapatunayang nagkasala. Kasalukuyang inihahanda ng aming tanggapan ang mga kaukulang papeles upang makausad ang planong pagsasampa ng kaso sa mga sangkot sa pagbebenta ng relief goods.
Lumabas din noong isang lingo sa isang TV station ang balitang nagpapakita ng isang hindi maayos na relief warehouse sa Tacloban City at sinasabing ito, ‘di umano, ay pinangangasiwaan ng aming kagawaran. Sa unang bahagi, ipinakita sa video ang kuha sa harap ng aming warehouse na kita ang panandang “Task Force Yolanda – DSWD Hub”. Ngunit, sa kalagitnaan ng footage ay nag-iba ang lugar at nagpakita na ng mga nakakalat na basura at patay na manok katabi ng mga sako ng dapat ay relief goods. Lumabas ang balitang ito noong ika-27 ng Marso sa Interaksyon.com.
Kung gagawin ang simpleng matematika, mahihinuhang maaaring nakuha ang video ng Miyerkules, pinakamatagal na ang Martes, bago ang Huwebes kung kalian naisahimpapawid ang balita. Unang punto: Ako ay nasa Tacloban City ng ika-25 ng Marso, Martes, upang samahan sina Australian Ambassador Bill Tweddell nu’ng umaga at si Spanish Minister Jose Manuel Garcia-Margallo nu’ng pagdating ng hapon. Pinuntahan at inikot namin ang aming relief hubs. Kinabukasan, mga kinatawan naman ng World Food Programme ang sinamahan ng dalawa naming Assistant Secretaries sa aming relief hub.
Sa ganang akin, napaka-imposibleng hahayaan ng aming mga kasamahan na hindi maayos at may nabubulok pang manok na nakakalat sa aming relief hub, lalo’t alam nilang may mga bisitang mag-iikot sa mga araw na iyon. Sigurado akong hindi ito hahayaan ni Lorfel, isa sa mga staff namin sa Field Office VIII, na mangyari. Araw-araw, alas-sais y medya pa lang ng umaga’y nasa hub na s’ya para pamunuan ang mga nakikibahagi sa food-for-work program ng DSWD, na bukod sa pagre-repack at pagbubuhat ng food packs ay sila rin ang kinukumisyon naming magpanatili ng kalinisan sa warehouse. Na bagaman biktima rin ng bagyo at nasugatan pa nga sa braso, nagtatrabaho s’ya hanggang alas-otso o minsan ay hanggang alas-onse pa ng gabi para lang mapangunahan ang mga food-for-workers na ito. O kung may kalat man, siguradong mapapansin agad ‘to ni Jieva, isa pang kawani sa DSWD Region VIII. Alas-singko pa lang ng umaga, nag-iikot na s’ya sa para tignan kung maayos ang lahat. Ang pagsisiyasat din ng warehouse ang huli n’yang ginawa bago umuwi… sa isang tent sa likod ng aming relief hub.
Matapos kaming makipag-ugnayan sa mga kakilala namin sa nabanggit na istasyon at maglabas ng paglilinaw ukol sa isyu, patuloy pa rin nilang pinaninindigan ang kanilang mga naunang ulat. Dito rin nila binaggit na ang warehouse na kanilang tinutukoy ay ang warehouse sa Barangay Caibaan, Tacloban City. Pangalawang punto: Wala po kaming warehouse sa Brgy. Caibaan. Ang aming DSWD Relief Hub ay nasa Barangay Apitong, Tacloban City, Leyte. Ayon pa impormasyong aming nakalap, ang warehouse na nasa Caibaan ay pinamamahalaan ng mga United Nations agencies na World Food Programme (WFP) at UNICEF. Ito ay kinumpirma ng isang kinatawan ng WFP sa pakikipag-ugnayan ng aming Field Office sa kanila. Muli, ang warehouse na tinutukoy nilang nasa Brgy. Caibaaan ay hindi sa DSWD. Ang warehouse sa Tacloban City ay matatagpuan sa Brgy. Apitong, Tacloban City.
Binanggit din sa parehong programa ang ilan pang nakaraang isyu gaya ng ‘di umano’y trak-trak ng relief goods na nilibing sa Palo, Leyte at ang nabulok na relief goods sa Barangay Gacao sa parehong lalawigan. Muli, gaya ng nabanggit na namin sa aming mga nakaraang pahayag, tanging isang sako ng biskwit, 10 piraso ng instant noodles, kalahating sako ng bigas and isang sako ng gamit na damit ang itinapon ng LGU ng Palo sa kanilang tambakan ng basura. Ito ay pinatunayan ng isang sertipikasyon mula sa kanilang Municipal Health Office na s’ya ring nagsabi na ang mga naturang pagkain ay hindi na mapakikinabangan ng tao. Sinabi na rin ng kanilang Municipal Social Walfare and Development Officer na si Rosalina Balderas na ang mga naturang donasyon ay nagmula sa mga pribadong grupo at hindi sa DSWD.
Pribadong mga donasyon din ang mga nasirang relief goods sa Brgy. Gacao at hindi galing sa aming agensiya. Ngunit, taliwas sa mga napaulat, hindi na ito ipinamigay pa ng kanilang Kapitan dahil nga sa ang mga ito ay hindi na maaari pang makain.
Labis naming ikinadismaya na ang mga paglilinaw mula sa aming kagawaran, na matagal na naming inilibas at ilang beses nang inulit, ay hindi binanggit sa palabas. Seryoso kami sa aming trabaho lalo’t higit ang mga nasa Field Office VIII.
Bilang patunay, naikwento ng isa naming staff, paglipas lang ng alas-2 ng hapon maaaring may mag-joke sa kanila. Bago mag-alas-2, puro lang sila trabaho. Literal: walang biro.
Hindi ko po hinihinging purihin n’yo ang aming trabaho. Hindi ko rin inaasahang puro magagandang bagay lamang ang ilalabas ninyo sa inyong mga diyaryo at programa. Ngunit, hindi naman po yata kalabisang hilingin sa inyong tanging katotohanan lamang ang inyong i-balita.
Kilala ninyo po ako at ang aming ahensiya; alam ninyo kung gaano kami kabukas ang kung gaano kami kadaling maabot. Kung tanging paglilingkod sa ating mamamayan ang inyong nasasa-isip, hindi magiging mahirap sa inyong pagbigyan ang pakiusap na ito.
Sa mga nagsasabing walang ginagawa ang aming ahensiya at patuloy na nagpaparatang ng mga bagay na walang katotohanan, naisip n’yo ba kung ano ang mararamdaman nina Lorfel at Jieva? O ni Juvy, na dalawang buwang hindi nakita ang may sakit na ama dahil kinailangan n’yang manirahan sa isang tent sa aming warehouse para makapasok nang maaga at matutukan ang paghahakot at paglilipat ng mga relief goods? O ni Japs, na ang huling iniisip sa gabi ay ang pag-aayos ng mga trak na magdadala ng mga relief goods sa malalayong lugar sa kanilang probinsya? Lahat sila, kagaya ng marami pa naming kasamahan sa Field Office VIII, ay patuloy na nagtatrabaho kahit sila mismo ay biktima rin ng Bagyong Yolanda.
Ang ilan sa kanila ay namatayan din, nawalan ng ari-arian, nasaktan, nasugatan natakot… ngunit patuloy silang pumapasok sa trabaho dahil nauunawaan nila ang pangangailangan ng taong gagawa ng kung ano man ang nakaatang na tungkulin sa kanila.
Kinikilala naming hindi perpekto ang aming sistema. Marami kaming nakitang dapat pang pagbutihin sa larangan ng Disaster Response. Ngunit ang hindi ko matatanggap ay ang maparatangan kaming walang ginagawa.
Labis kong ipinagmamalaki kung gaanong ang aking mga kasamahan sa DSWD ay tumugon sa tawag ng tungkulin at nagbigay ng higit pa sa hinihingi sa kanila. Bilang pagbibigay-respeto at pagkilala sa kanilang mga hirap at sakripisyo, kaya ko kayo hinaharap ngayon. Maraming salamat at handa na akong tumanggap ng mga katanungan at paglilinaw. [Ito ay hango sa http://www.dswd.gov.ph ang website ng DSWD. Maraming salamat sa Social Marketing Service ng Kagawaran]